Nilinaw ng Bagong
Silangan High School na walang nangyaring pamamaril o insidente ng
pananaksak sa loob ng campus.
Ito’y matapos
makarinig ng tila isang putok umano ng baril dahilan na nagsi-iyakan ang mga
estudyante.
Ayon sa ulat,
sinabi ni Barangay Captain Wilfredo Cara na hindi putok ng baril ang narinig ng
mga estudyante kundi tunog ng isang bagay na bumagsak mula sa katabing
construction site.
Aniya pa, walang
nasaktan sa paaralan, taliwas sa mga kumakalat na bali-balita na may naganap na
insidente ng pananaksak.
Kaugnay nito,
nagsimulang mabahala at mabulabog ang ilang mga estudyante ng makatanggap ng
mga mensahe sa social media messaging app ukol sa umano’y mayroong pagbabanta
at pananaksak na nangyayari.
Nataranta naman
ang mga magulang ng mga estudyante at sinundo sila sa eskwelahan kahit walang
idineklarang suspensyon.
Samantala, inabisuhan
naman ng eskwelahan ang publiko na tigilan ang pagpapakalat ng mga hindi
beripikadong impormasyon at tumutok lamang sa mga official announcement.

0 Mga Komento