Nanawagan ng
tulong at donasyon ang pamunuan ng paaralan at barangay para sa mga mag-aaral
ng Danawan Elementary School matapos mapilitang magsagawa ng klase sa gymnasium
ng Barangay Danawan sa unang araw ng pagbubukas ng klase.
Sa inilabas
na post ng barangay, makikitang nagkaklase ang mga estudyante sa loob ng
gymnasium kung saan direktang naaabot ng sikat ng araw ang kanilang lugar ng
pag-aaral.
Dahil dito,
humihingi ang barangay ng suporta upang mapondohan at matapos ang itinatayong
Temporary Learning School para sa mga mag-aaral.
Sa panayam ng
K5 News FM kay Eric Cortejo, Public Information Officer ng Department of
Education Schools Division of Antique, sinabi niyang inirekomenda ng lokal na
pamahalaan ang pansamantalang paglikas ng paaralan mula sa kasalukuyang
lokasyon nito matapos matuklasang hindi na ligtas ang lugar at may mataas na
panganib ng pagguho ng lupa o landslide.
Ayon pa kay
Cortejo, nakitaan ng mga bitak o cracks ang mga silid-aralan kasunod ng lindol
na naranasan noong Setyembre 30, 2025.
Dahil sa mga
pinsalang ito at sa banta ng landslide, minabuting ilipat muna ang mga klase
habang hinihintay ang mas ligtas at mas permanenteng pasilidad para sa mga
mag-aaral.
Patuloy naman
ang panawagan ng komunidad para sa anumang tulong na makatutulong sa pagtatayo
ng pansamantalang paaralan at sa pagpapatuloy ng ligtas na edukasyon ng mga
estudyante.

0 Mga Komento