Inisyuhan ng show-cause order ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang taxi operator matapos umano nitong tangkaing i-scam ang pasahero na si Soobin, isang K-pop idol, sa Cebu.
Sa viral na
video na ibinahagi ni Soobin, isinalaysay nito ang naging karanasan sa pagsakay
ng taxi mula sa Mactan-Cebu International Airport.
Ayon sa
kanya, napagkasunduan ang pamasahe na ₱500, bagama’t sinabi niyang karaniwang
nasa ₱300 lamang ang halaga ng naturang biyahe.
Gayunpaman,
pagdating sa kanyang destinasyon, umano’y biglang itinaas ng driver ang singil
sa ₱1,000. Agad itong tinutulan ng K-pop star at ini-report ang insidente.
Bilang tugon,
inatasan ng LTFRB ang taxi operator na isumite ang plaka ng sasakyan at
lisensya ng driver na sangkot sa insidente. Pinagsumite rin ang operator ng
written explanation bilang bahagi ng due process.
Samantala,
pansamantalang sinuspinde ng isang buwan ang nasabing taxi unit. Nakatakda
naman ang pagdinig sa kaso sa Abril 21.
Patuloy
namang pinaalalahanan ng LTFRB ang mga operator at driver na sumunod sa
itinakdang pamasahe at umiwas sa anumang uri ng pananamantala sa mga pasahero.

0 Mga Komento