Aabot sa 493,000 na pamilyang mahihirap na nakalista sa 2026
Community-Based Monitoring System ang nakatakdang iparehistro ng Department of
Social Welfare and Development (DSWD) bilang mga bagong benepisyaryo ng
Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ito ang inihayag ng DSWD base sa direktiba ni Pangulong
Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong makatanggap ng angkop na ayuda mula sa
pamahalaan ang mahihirap na pamilyang Pilipino.
Napag-alaman na dadaan ang mga ito sa mahigpit na validation
at verification process.
Kapag napatunayang kwalipikado at nairehistro, sasailalim
ang mga bagong benepisyaryo sa orientation upang malaman ang kanilang mga
responsibilidad at benepisyong matatanggap sa ilalim ng programa.
Ayon sa DSWD, ang pagdagdag ng mga bagong kwalipikadong
pamilya ay magbibigay-daan upang maipagpatuloy ng 4Ps ang pagtulong sa mga
higit na nangangailangan habang mas marami namang benepisyaryo ang inaasahang
magtatapos sa programa ngayong taon.
✍TERESA IGUID
0 Mga Komento