Humigit-kumulang
41 kabataang lalaki ang naiulat na namatay matapos sumailalim sa tradisyunal na
circumcision sa South Africa mula Nobyembre hanggang Disyembre 2025.
Ayon sa mga
ulat, ang mga insidente ay may kaugnayan sa initiation rites o ritwal ng
pagpasok sa pagiging ganap na lalaki na isinasagawa taun-taon ng ilang etnikong
grupo sa Africa, kabilang ang Xhosa, Ndebele, Sotho, at Venda.
Bilang bahagi
ng ritwal, pansamantalang inihihiwalay ang mga kabataang lalaki sa kanilang
komunidad at dinadala sa tinatawag na initiation schools, kung saan isinasagawa
ang pagtutuli. Gayunman, sa paglipas ng mga taon ay naitala ang ilang
pagkamatay na iniuugnay sa nasabing gawain.
Dahil dito,
nagpatupad ang pamahalaan ng South Africa ng mga batas na nag-aatas sa
rehistrasyon ng lahat ng initiation schools. Sa ilalim ng umiiral na batas,
tanging ang mga kabataang lalaking may edad 16 pataas at may pahintulot ng
magulang ang maaaring sumailalim sa naturang ritwal.
Samantala, sa
Pilipinas, ang pagtutuli ay itinuturing ding hudyat ng pagbibinata at
nananatiling isang tradisyong pinagdaraanan ng maraming kabataang lalaki.

0 Comments