Hinatulan ng habangbuhay na pagkakakulong ang isang 44-anyos na German nurse matapos mapatunayang nagkasala sa pagpatay ng sampung pasyente at sa tangkang pagpatay sa 27 pang indibidwal sa isang ospital sa Würselen, malapit sa lungsod ng Aachen.
Ayon sa mga ulat ng mga prosecutor, naganap ang mga insidente sa pagitan ng Disyembre 2023 hanggang Mayo 2024, kung saan sinasabing sinadya ng suspek na turukan ng mataas na doses ng sedatives at painkillers ang kanyang mga pasyente — karamihan ay mga matatanda — upang mabawasan ang kanyang trabaho sa gabi.
Tinukoy ng mga imbestigador na ang suspek ay tila “naglaro bilang master of life and death” sa mga pasyenteng nasa kanyang pangangalaga, nagpapasya kung sino ang mabubuhay o mamamatay.
Dagdag pa ng mga prosecutor, ang nurse ay may personality disorder na nagpapakita ng kawalan ng awa at pagsisisi sa kanyang mga biktima sa buong paglilitis.
Dahil sa bigat ng krimen at sa bilang ng mga biktima, ipinataw ng korte ang habangbuhay na pagkakakulong bilang pinakamataas na parusang maaaring igawad sa ilalim ng batas ng Germany.

0 Comments