Kinumpirma ng mga awtoridad sa Zamboanga del Norte na patay na ang American vlogger na si Elliot Onil Eastman na dinukot sa kaniyang mismong residensya noong Oktubre 17.
Ayon kay Lt. Col. Ramoncelio Sawan, acting Police Regional Office 9 spokesman, nakakuha ng impormasyon ang PRO 9 Critical Incident Management Task Group (CIMTG) na namatay na si Eastman sa gabi ng pagdukot sa kaniya.
Isang saksi ang nakakita sa biglaang pagkamatay ni Eastman at ipinahayag nitong binaril ang vlogger ng dalawang beses nang sumubok itong manlaban tsaka ito isinakay sa motorbanca na wala na umanong buhay papalayo sa Sibuco.
Dagdag pa dito, matapos malaman na patay na si Eastman ay napagdesisyunan na lang ng mga dumukot na itapon ang katawan nito sa dagat.
Sa kabila ng masusing paghahanap ng pinagsamang pwersa ng ilang ahensya ng gobyerno ay nabigo pa rin ang mga ito na mahanap ang katawan ng dinukot na Amerikano.
Naaresto naman ang isang suspek na salarin sa pagdukot kay Eastman noong Nobyembre 18 habang ang isa pang suspek ay boluntaryong sumuko sa mga awtoridad at ibinunyag ang kinaroroonan ng dalawa pang kidnappers.
Si Eastman ay 26-anyos at taga-Vermont, USA na naninirahan sa Sibuco matapos makapangasawa ng babaeng Muslim.
Matatandaang dinukot siya ng apat na mga kalalakihan sa tapat ng bahay nito sa Sitio Tungawan, Brgy. Poblacion noong Oktubre 17.
0 Comments