Nasawi ang tatlong katao sa hanay ng New Peoples Army sa
magkasunod na engkwentro ng mga militar at mga rebelde sa Sitio Mansulao, Brgy
Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental nitong Miyerkules, February 21,
2024.
Ayon kay Lieutenant Colonel Arnel Calaoagan, Commanding
Officer of 79IB, nangyari ang unang engkwentro bandang 11:10 ng umaga laban sa
humigit-kumulang walong pinaniniwalaang natitirang miyembro ng nabuwag na
Northern Negros Front (NNF-D). Ito’y matapos makatanggap ng impormasyon ang military
ukol sa nangyayaring pangingikil, pambabanta at pwersahang pangongolekta ng
rebeldeng grupo sa mga residente ng lugar.
Sinundan pa ito ng isa pang engkwentro dakong 2:17 ng
hapon na tumagal ng limang minuto.
Narekober naman sa pinangyarihan ng bakbakan ang tatlong patay
na katawan ng hindi pa nakikilalang CPP-NPA terrorists (CNT’s) kabilang na ang
isang babae na iniwan ng mga kasamahan nito.
Maliban dito, nakuha din ng grupo ang ilang mga armas na
kinabibilangan ng isang (1) AK47 rifle, isang (1) M653 rifle, isang (1) caliber
.45, rifle grenades, anti-personnel mine, iba’t ibang cellphones, commercial
radios, bandoliers, combat bag packs, at mga dokumento.
Samantala, kinumpirma ni Lt.Col. Calaoagan na apat sa
grupo ng mga militar ang sugatan at kasalukuyang nagpapagaling.
0 Comments