Bukol sa ulo at sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang tinamo ng dalawang lalaki matapos na pagsusuntukin sa labas ng Kalibo Public Market pasado alas-5 ngayong umaga.
Sa panayam ng Radyo Bandera News Team sa biktimang si Ernan
Javier nabatid na nag-ugat ang pananakit matapos na itabi ng kaniyang kasama
ang nakaharang na tricycle sa harap mismo ng kanilang dadaanan papasok ng
naturang pamilihan.
Dahil sa may kabigatan aniya ang kanilang karga na sibuyas hindi agad nila naibalik sa dating puwesto ang tricycle na naging dahilan naman para kumprontahin sila ng may-ari na kinilalang si Errol Raval.
Pabalang umano nitong tinanong kung hindi ba nila ito nakikilala sabay sabi sa kaniyang kasama na baka gusto nitong mabalatan ang kaniyang tattoo.
Hindi naman aniya ito pinansin ng kaniyang kasama at minabuting tumalikod na lamang ngunit sinundan pa rin ito ni Raval at pinagsusuntok sa likod na bahagi ng ulo at batok.
Dito na umano nakaramdam ng galit si Javier at agad rin na
sinugod si Raval ng suntok upang depensahan ang kaniyang kasama ngunit bigla na
lamang nagsidatingan ang iba pang kasama ni Raval at pinagtulungan syang
pagsusuntukin.
Dahil dito agad namang rumesponde ang mga otoridad ngunit hindi na naabutan sa lugar ang iba pang mga sangkot sa kaguluhan.
Samantala, nagpahayag naman ng interes na makipag-usap sa kabilang panig ang dalawang biktima ngunit pursigido naman anila ang mga itong mag-sampa ng kaso sakaling hindi makipag-ayos ang mga sangkot sa pananakit sa kanila. |TERESA IGUID
0 Comments