LALAKING NANG-CARNAP NG JEEP, ARESTADO MATAPOS NA BUMANGGA SA ISANG POSTE SA MAKATO


Arestado ang isang lalaking nang-carnap sa nakaparadang Jeep matapos itong mabangga sa isang poste sa bayan ng Makato.

Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay PSSgt. Felizardo Navarra Jr., ng Numancia Municipal Police Station, kinilala ang suspek na si Ramer Gabat, 20-anyos at residente ng Occidental Mindoro habang kinilala naman ang biktima nitong si Gregorio Garcia, 60-anyos at residente naman ng Brgy. Laguinbanua West sa bayan ng Numancia.

Sa inisyal na ulat ng mga otoridad, nabatid na madaling araw kanina ay sinubukang tangayin ng suspek ang nakaparadang private Jeep sa Brgy. Laguinbanua West ng nasabing bayan.

Mapalad naman itong napansin kaagad ng may-ari dahilan para sundan ng mga ito ang suspek na umabot pa hanggang sa bayan ng Makato kung kaya’t humiling na ang mga ito ng tulong sa Numancia PNP.

Agad naman na rumesponde ang mga otoridad at dito na naabutan ang suspek na bumangga sa poste sa Brgy. Tina, Makato dahil sa mabilis nitong pagpapatakbo.

Dahil sa nangyaring aksidente, bali ang isang poste ng telco habang nagtamo naman ng kasiraan ang minamaneho nitong jeep na bumaligtad pa dahil sa lakas ng impact.




Sa ngayon ay hawak na ng Numancia PNP si Gabat at nakatakdang mahaarap sa kaukulang kaso. 

Samantala pursigido naman ang may-ari ng ng naturang Jeeo na magsampa ng kaso laban sa nasabing suspek. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog