20-ANYOS NA SUSPEK SA PAG-CARNAP NG JEEP, LABIS ANG PAGSISISI- NUMANCIA PNP


Labis ang pagsisisi ng 20-anyos na suspek na tangkang mang-carnap ng isang Jeep sa Brgy Laguinbanua West sa bayan ng Numancia, kaninang madaling araw.

Ito ang inihayag ni PSSgt. Felizardo Navarra Jr., ng Numancia MPS, sa panayam ng Radyo Bandera News Team, kung saan base sa naging salaysay ng suspek sa mga otoridad nabatid na nagawa lamang nito ang pagtangay sa Jeep dahil sa kagustuhang maka-uwi sa Mindoro.

May ilang araw na rin umano ito sa probinsya ng Aklan at nagbabakasakaling makahanap ng trabaho ngunit bigo itong makakita kung kaya’t ninais nitong makauwi sa kanilang lugar.

Nanindigan rin umano ang suspek na si Ramer Gabat na hindi nito sinasadya ang kaniyang nagawa habang hindi naman nito nabago ang desisyon ng may-ari na sampahan ito ng kaukulang kaso.

Matatandaan na naaresto ang suspek matapos itong aksidenteng mabangga sa poste sa bayan ng Makato na naging dahilan naman na mabali ang isang poste ng telco habang nagtamo naman ng kasiraan ang minamaneho nitong jeep na bumaligtad pa dahil sa lakas ng impact.

Samantala, sinubukan naman ng Radyo Bandera News Team na kunan ng payahag si Gabat ngunit tumanggi itong sumagot sa mga tanong. |Ni Teresa Iguid

Post a Comment

0 Comments

Search This Blog