114 PAMILYANG KATUTUBO, LUMIKAS DAHIL SA PAG-ATAKE NG MGA
TERORISTA
Ni John Ronald Guarin
Mahigit 100 na pamilyang Teduray na naninirahan sa boundary
ng Talayan at South Upi sa Maguindanao del Sur ang lumikas sa mga ligtas na
lugar matapos guluhin ng teroristang grupo na sinunog pa ang kanilang
napakalumang dasalan at ilang mga bahay sa kapaligiran.
Ayon kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police
Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, binigyan ng bigas at iba pang mga
relief supplies nitong Lunes ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence
(READi) contingent, ang mga apektadong pamilya na pansamantalang nasa Barangay
Biarong sa bayan ng South Upi.
Ang READi ay isang emergency response agency ng Bangsamoro
Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa pamamahala ni Regional
Local Government Minister Naguib Sinarimbo.
Ayon kay Army Major Gen. Alex
Rillera, commander ng 6th ID, nagtutulungan na ang kanilang mga unit sa
Maguindanao del Sur at PRO-BAR na kilalanin ang mga teroristang nanggulo sa
mga Teduray upang sampahan ng mga kaukulang kaso.
0 Comments