BANGKAY NA NAKITANG PALUTANG-LUTANG SA ISANG SAPA SA TORRALBA
BANGA, NAKATAKDANG ISAILALIM SA AUTOPSY NGAYONG ARAW
Ni Teresa Iguid
Nakatakdang isailalim sa autopsy ngayong araw ang nakitang
bangkay ng isang babae kamakailan na palutang-lutang sa isang sapa sa Sitio
Mangga, Barangay Torralba, Banga, Aklan.
Sa panayam ng Radyo Bandera News Team kay PCPT. Benny Jones
Mendoza, ng Banga MPS, sinabi nito na layon ng isasagawang autopsy na matukoy
kung ang biktimang si Rochelle Ann Rodriguez ay naging biktima ng panggagahasa.
Matatandaan na una nang naiulat na nawawala ang biktima matapos
itong magpaalam na pupunta sa isang lamay ngunit hindi na ito nakauwi pa.
Matapos naman ang halos limang araw ay natagpuan na lamang
itong nasa state of decomposition sa isang sapa sa nasabing bayan na nagtamo ng
basag sa kanyang bungo at tadtad ng saksak ang iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ayon kay Mendoza ang kanilang pag-iimbestiga
sa dalawang person of interest sa nangyaring krimen habang nakatakda din na
sampahan ang mga ito nang kaukulang kaso sakaling mapatunayan na sila ang may
kagagawan.
Samantala, ipinasiguro naman ni Mendoza ang kanilang
pagsisikap upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Rodriguez bago ito
mailibing.
0 Comments