Labis ang pagsisisi ng suspek na si Emilito Alapag matapos nitong mapatay ang dating OFW na si Analyn Rembulat sa loob mismo ng bahay nito sa Brgy. Pusiw, Numancia, Aklan.
Sa panayam ng K5 News Team kay Alapag, inamin nitong siya ang responsable sa pagpatay kay Rembulat makaraang pasukin nito ang bahay ng biktima at tangka sanang pagnakawan ngunit bigla na lamang itong naalimpungatan mula sa pagkakatulog, rason na hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon upang makasigaw at agad na nilagyan ng unan ang mukha at dinaganan.
Sinubukan pa aniyang magpumiglas at magpasaklolo ni Rembulat sa kaniyang ina na kaharap lamang ng kaniyang higaan ngunit hindi na ito nagtagumpay nang tuluyan nang malagutan ng hininga matapos pang sakalin ni Alapag gamit ang mismong damit ng biktima.
Itinanggi rin nito ang alegasyon na nahalay ang biktima dahil matapos aniyang masiguro na wala nang buhay ay hinila na niya si Rembulat papasok sa kuwarto at agad din na lumabas ng bahay tangay ang smartphone ng biktima.
Ayon kay Alapag, wala itong intensyong iba maliban sa pagnanakaw dahil mayroon itong paggagamitan ng pera kung kaya’t nang madaanan nito ang bahay ng biktima at subukang pihitin ang pinto ng likod-bahay at nabatid na hindi naka-lock ay agad itong dumiretso sa loob.
Sa huli, nangako naman si Alapag na haharapin ang kaukulang kaso sa nagawang krimen dahil may ilang araw na rin aniya itong hindi pinapatulog ng konsensya rason na maisipan nitong ibenta ang nakuhang cellphone sa biktima upang maituro na ito sa mga otoridad. |TERESA IGUID
0 Comments