Magbabalik sina small forward Calvin Abueva at shooting guard Terrence Romeo sa Gilas Pilipinas na misyong angkinin ang gold medal sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Sina Abueva ng Magnolia at Romeo ng San Miguel ay kasama sa mga ipinatawag ni coach Tim Cone sa unang ensayo ng Nationals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Huling naglaro sina Abueva at Romeo sa Gilas Pilipinas noong 2018 kung saan sila nasuspinde dahil sa pakikipagrambulan sa Australia sa FIBA World Cup Asian qualification sa Philippine Arena.
Nakasama nina Abueva at Romeo sa ensayo si naturalized player at Ginebra resident import Justin Brownlee at sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel, Japeth Aguilar at Scottie Thompson ng Ginebra na naglaro sa katatapos lang na 2023 FIBA World Cup.
Magsusuot din ng Gilas Pilipinas jersey sina Mo Tautuaa ng SMB, Stanley Pringle ng GSM, Calvin Oftana ng TNT Tropang Giga, Chris Newsome ng Meralco at Jason Perkins ng Phoenix.
Hinawakan ni Cone sina Fajardo, Aguilar at Pringle sa paghahari ng Gilas team sa 2019 Southeast Asian Games sa Manila habang sina Newsome at Oftana ang huling inilaglag ni dating coach Chot Reyes para sa World Cup team.
Bahagi rin ng koponan si 6-foot-10 naturalized center Ange Kouame.
Nauna nang sinabi ni Cone na ang 12 players na sasama sa unang ensayo ang maglalaro sa Hangzhou Asiad na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.
Kinuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang serbisyo ng two-time PBA Grand Slam champion coach matapos magbitiw si Reyes nang mabigong ipasok ang Nationals sa second round ng World Cup.
Ang bronze medal ng
binuong Centennial Team ni Cone noong 1998 sa Bangkok, Thailand ang huling nakamit
na medalya ng bansa sa Asian Games. | JOHN RONALD GUARIN

0 Comments